ngayon, naandito ulit ako sa dating tagpuaan. kung saan una kong nadama ang lahat. ngunit wala na ang dating simoy ng hanging bumalot sa aking katawan. wala na rin ang huni ng mga ibon at ang masasayang mga batang naglalaro sa kalayuan. hindi na rin nababakas ang pusong inukit sa kahoy na upuan. isa na lamang itong parke. tahimik.walang buhay.payapa.
3 taon. ganoon katagal akong naglaro dito. dito ako unang nadapa, bumangon, umiyak at lumigaya. ang parkeng ito ang aking buhay at pag-asa.
masasabi mong ako'y hibang at nagpasya pang bumalik dito. ngunit masisisi mo ba ako? mahirap kalimutan ang mga sandaling unang bumuhos ang ulan. sabay tayong sumilong sa malaking puno ng kaimito. at doon mo ako niyakap ng pagkahigpit higpit. sa iyong bisig. payapa ang lahat.
mahirap ding kalimutan ang tsokolateng pinagsaluhan natin sa dulo ng parkeng ito. tanaw tanaw nating dalawa ang paligid habang masaya nating isinusubo ang matamis na hershey's chocolate.
o baka nakalimutan mo narin na sa lugar na ito, ipinangako mong sa atin lamang ang buong mundo. sa atin lang. wala ng iba....wala ng iba....
ngayon, pinipilit ko na tuloy kalimutan ang lahat ng ito. sa bagay, maliit nga namang talaga ang parkeng ito para sa ating dalawa. marahil, hindi na nga talaga kayang ibalik pa ang mga punong naputol na...
ito na marahil ang katapusan. at nais ko lang magpaalam sa dati nating tambayan.
ngunit.....
iyong maaasahan....
hindi ako nagbago. nandito lang ako.
naghihintay.
nagbabakasakali...
-----------------------------------------------------
No comments:
Post a Comment