Lucky charms ang tawag sa mga bagay na pinaniniwalaang magbibigay ng sandamakmak na swerte sa kung sino man ang nag aangkin nito. Makikita mo ito kahit saan. At hindi mo kailangang bumili pa sa binondo o sa Timbuktu world para lang makakuha nito. Ang lucky charms ay maaaring mga bagay na nagtataglay ng pambihirang sentimental value katulad ng butas na panty na pamana pa ng iyong mga ancestors, ang nagtututong na sa duming teddy bear na bigay ng iyong sweetheart noong 1900’s, at ang ingrown na ipin na nabunot ng dentist matapos ikabit ang iyong braces. Kahit ano pwede.
As usual, umiral na naman ang aking pagiging usi sa mga bagay bagay. Ganun talaga siguro kapag marami kang oras mag-isip. Lahat na lang mapapansin. At hindi nakaligtas sa aking mapanuring mata ang sari-saring ritwal ng aking mga katrabaho sa kanilang quest para makabenta. Sa sales maraming pamahiin.
Katulad na lang ng boss ko na itago na lang natin sa pangalang Pomela. Si boss Pomela ay isang beterana pagdating sa pagbebenta ng real estate. Mapa condo sa the fort o lupa man sa santa rosa laguna, carry nya. Magaling ang boss ko pagdating sa salesmanship. At napatunayan nya ito sa pamamagitan ng libo libo na atang trophy at medalya tuwing awards night ng mga top producers. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, mayroon siyang lihim. ( hindi siya isang bading, ok?) mayroon siyang favorite Chinese inspired kamiseta na pinaniniwalaang nakapagbibigay sa kanya ng benta sa tuwing kakailanganin nya. At sa kung anung hindi maipaliwanag na paraan, epektibo talaga. TIYADAAAAN!!! Nagkakabenta siya. Kaya kahit six years ( and counting ) na ang kasuotang ito, isusuot pa rin daw niya. ( mam medyo maliit na nga. Hehe.)
Isa pa dito ang aking groovy na katrabahong pangalanan naman nating Bekbek. Sa kabila ng kanyang edad, taglay pa rin nya ang perfect close up smile. ( at ayon sa mga sources, hindi raw ito false teeth. Orig ito). Anyway, matagal na rin si bek-bek sa real estate. Para sa kanya ang pagbebenta ay raket raket lang. “swertehan ito. At habang inaani mo ang biyaya ng Diyos, ipon ka lang ng ipon chong.“ Agree naman ako. “Yeah pare ( with sobrang lalaking tone effect).” Siya naman ay mayroong bracelet na bawal himasin ng kahit na sino. Bawal as in. Dahil kapag hinawakan ang naturang bracelet, mawawala ang mga forces. May dasal daw ito ng sikat na feng shui expert na pinangalanan ko namang Mother Kuwkuw.
Si Snowwhite, isang certified manginginom kong katrabaho na buhat sa Visayas ay nagtataglay rin ng kanyang sariling bracelet. Bukod pa dito, lahat na ata ng icon ng relihiyon ay kanya ng nadasalan. “ thank you so much God, Mama Mary, budda, the spirits of the underworld and santa claus for giving me this sale”. ( totoong speech nya ito noong makasama sa top producers)
At siyempre hindi rin nakaligtas ang aking sarili. Mayroon rin pala akong ritwal na sinusunod bagamat hindi ko ito masyadong pansin. Bakit nga ba lagi akong nagpapakalbo tuwing humahaba na ang aking buhok noong nalaman ko kay boss pomela na swerte ito? Bakit ko isinusuot ang aking nag iisang puting barong tuwing haharap ako sa client simula ng nakabenta ako noong isang buwan suot suot ito? ( in fairness 6 months ko pa lang itong pagmamayari. Hindi katulad ng six years kamiseta ni boss). Bakit ko ayaw gumamit ng ibang ballpen maliban sa crossballpen na nahawakan ng aking buyer tuwing may nakikilala akong potential client? Ako rin pala ay may mga lucky charms.
Ngunit anu nga ba naman ang mawawala sa paniniwala? Minsan lang naman. At mahirap naman tanggihan kung swerte ang kapalit.
At habang nag ninilay nilay ako kung ano ang susunod na mga kataga, bigla na lang bumulaga ang salitang pananampalataya. Hello chris. Kamustamos?
Oo nga muntikan ko ng makalimutang mayroong kapangyarihan sa kaitaasan na nagmamasid, at nagpapalakad ng sangkatauhan. Siya rin ang kapangyarihan na humahawak sa pwersa ng lahat ng bagay. At higit sa lahat siya ang kapangyarihang nagmamay ari ng lahat.
Oo, nawala pala ang pananampalataya ko sa kaitaasan habang tumitibay ang aking pagniniwala na ang mga gamit na pagmamay ari ko ay ang siyang pwersa na nagbibigay ng jackpot sa lahat ng aking transaksiyon. Nakalimutan ko ang kaalamang ang lahat ng naandito sa mundo ay sa kanya lamang----lahat ng mga ninanais ng aking puso….at bituka.
Epektibo man ang mga charms na ito o hindi, nais ko ng tanggalin sa aking sistema ang baluktot kong paniniwala. Wala ang swerte sa lucky charms. Ang isip natin ang nagbibigay kapangyarihan dito kaya ito effective. Sabi nga ng aking propesora noong college, mind over matter and self fulfilling prophecy lang yan.
Sino nga ba ang nagbigay ng isip? Hindi naman siguro ito kayang itanim at patubuin na lamang. May mas malakas na pwersa. At para sa akin ito ay ang Diyos. Ang pinaka lucky charm sa lahat.
Bukas, hindi ko na iisiping magbibigay sa akin ng benta ang puti kong barong at ang aking cross ballpen.
Pero ang pagpapakalbo ng buhok…..hmmmmmm?
Maintain ko na lang siguro.
Dami kasi nagkakacrush sakin pag kalbo ako eh =)